Huwebes, Marso 31, 2011

Si Apong Manurud

ANG aming Apong Manurud ay isang masipag na tagahanapbuhay. Hindi pa man sumisikat ang araw ay kahalubilo na niya ang kanyang mga gawain sa bukid man, sa pangingisda at sa kabuuan ng aming malawak na bakuran.Noon ay may minamantine rin siyang isang maliit na barberya sa ibaba ng bahay na kahoy.
     Siya ay hindi kagaya ng isang tipikal na lolo na palakuwento at malapit sa mga apo. Hindi siya palaimik pero ang aming mumunting mga pagkakamali ay dinidisiplina ng kanyang mga titig. Marami siyang batas sa malaking bahay. Maraming bawal.
     Halimbawa'y ang hindi paglalaro tuwing "Mahal na Araw." Ang buong panahon ng Kuwaresma ay ginugugol namin sa pagdarasal. Maaari lamang kaming bumalik sa normal na mga kilos kapag dumating na ang "Linggo ng Pagkabuhay."
     Isa pang pinakabilin niya sa aming magpipinsan ay ang hindi pakikialam sa kanyang tokador. Mayroon siyang isang maliit na tokador noon na ang nakikita ko lang naman na laman ay mga papel. Madalas niyang inaayos noon ang nasabing mga papel. Bata pa lang ako noon kung kaya hindi ko alam kung ano ang kahulugan sa kanya ng mga papel na iyon. Nang magkaisip ako, script pala ang mga iyon ng ginagawa niyang mga dula sa simbahan--mula sa mga lengguwaheng Kapampangan at Kastila ang pagkakasulat.
    Ang kanyang barberya sa ibaba ang isa pang lugar na ipinagbabawal niya sa amin. Ayaw na ayaw niyang makikitang naglalaro kami roong magpipinsan. Tuwang-tuwa kasi kami noon sa kanyang malambot at de-ikot na  upuang inuupuan ng kanyang mga suki sa barberya. Ang pinakadahilan niya kung bakit ayaw niya kaming gumagawi roon ay ang kanyang maseselang gamit tulad ng kanyang matalim na labaha at gunting. At dahil masunurin kaming mga apo, hindi talaga kami lumalapit sa kanyang barberya.
     Natatandaan ko pa ang eksena sa ilog. Ang bilis ng dating ni Apong Manurud dala ang kanyang makapal na sinturon. Paglapit na paglapit sa amin ng kapatid ko ay galit na galit na pinagsisinturon kami. Takbo kami ni Fer na umuwi ng malaking bahay. Lihim namang tawa nang tawa ang aking mga pinsang enjoy na enjoy pa ring naiwang naliligo sa ilog. Noon kasi, kami lang ng kapatid kong si Fer ang bawal maligo sa ilog. Hindi nga kasi kami marunong lumangoy dahil bago kami tumira sa poder nina Apo ay galing kami sa Maynila--kumbaga, ano raw ang alam namin sa paglangoy? Ang aming mga pininsan kasi ay sa tabi na nga ng ilog nagsilaki kung kaya't bihasa na sa pagtawid-tawid sa ilog maging sa pinakakabilang pampang nito.
     Sa harap ng pagkain ay marami ring bawal. Bawal ang magsalita kahit pa kaunting imik. Maging ang mga mata naming magpipinsan ay hindi maaaring mag-usap habang kumakain. Maging ang pagkalatog ng mga pinggan at kutsara ay talaga namang pinakaiiwasan din namin.Siyempre, hindi namin pupuwedeng basta na lang iwanan ang aming mga pinagkainan.
     Talaga namang noon ay parang nakatuntong kami sa mga numero sa poder ni Apong Manurud.
     Pero ang pagkamatay niya ay hindi nangahulugan ng aming kalayaan.
     Kung bakit ako ngayo'y  isang makabuluhang indibidwal, iyon ay dahil sa aking Apong Manurud.
    
    
    

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento