Biyernes, Abril 1, 2011

Si Apong Magtinda

MAGANDA ang aming Apong Magtinda. Kulay mais ang mahaba niyang buhok na laging nakapusod. Tuwid ang matangos niyang ilong at ang mga matang kulay tsokolate ay hindi maikakailang mayroon siyang dugong Kastila lalo pa't Senyores ang nakadikit na apelyido sa kanyang pangalan--Victoriana Senyores--tunog na tunog Espanyol.
Masipag si Apong Magtinda. Sa pagtitinda niya ng mga gulay at prutas nagmumula ang pangangailangan namin sa araw-araw. Paglabas niya ng bakuran dala ang kanyang bilao ng mga paninda, nakasunod na rin kaming magpipinsan. Kasa-kasama niya kami kahit saan siya magtinda.
Mahilig ding kumanta ang aming Apong babae. Madalas na kinakanta niya noon ay mga awiting Kastila na pagkatapos ay inaawit din niya sa bersiyon ng mga itong Ingles. Ang lagi kong natatandaang madalas niyang kantahin noon ay ang "Lupang Hinirang" na ang taguri niya sa Ingles ay "Land of the Morning." Noon ay madalas din niyang i-recite ang "Panatang Makabayan" sa wikang Ingles, ang "The Patriotic Pledge."
Kung kausapin din niya kami noong mga panahong iyon ay sa wikang Ingles. Maging ang kanyang mga kuwento ay hindi maaaring hindi niya sa wikang Ingles isalaysay.Basta sa kung anumang pagitan ng kanyang mga ginagawa, hindi maaaring mawala sa kanya ang pagsasalita ng Ingles.
Pagkatapos mananghalian, tutungo naman si Apo sa isang bahagi ng bahay na kahoy kung saan nakapuwesto ang kanyang mga materyales sa paglala ng banig. Isa rin ito sa kanyang pinagkakakitaan. Bumibili siya noon ng "igos" na may iba't ibang kulay para makalala ng isang banig na maganda na pagkatapos mabuo ay maaari nang ibenta sa kanyang mga kakilala.

Huwebes, Marso 31, 2011

Si Apong Manurud

ANG aming Apong Manurud ay isang masipag na tagahanapbuhay. Hindi pa man sumisikat ang araw ay kahalubilo na niya ang kanyang mga gawain sa bukid man, sa pangingisda at sa kabuuan ng aming malawak na bakuran.Noon ay may minamantine rin siyang isang maliit na barberya sa ibaba ng bahay na kahoy.
     Siya ay hindi kagaya ng isang tipikal na lolo na palakuwento at malapit sa mga apo. Hindi siya palaimik pero ang aming mumunting mga pagkakamali ay dinidisiplina ng kanyang mga titig. Marami siyang batas sa malaking bahay. Maraming bawal.
     Halimbawa'y ang hindi paglalaro tuwing "Mahal na Araw." Ang buong panahon ng Kuwaresma ay ginugugol namin sa pagdarasal. Maaari lamang kaming bumalik sa normal na mga kilos kapag dumating na ang "Linggo ng Pagkabuhay."
     Isa pang pinakabilin niya sa aming magpipinsan ay ang hindi pakikialam sa kanyang tokador. Mayroon siyang isang maliit na tokador noon na ang nakikita ko lang naman na laman ay mga papel. Madalas niyang inaayos noon ang nasabing mga papel. Bata pa lang ako noon kung kaya hindi ko alam kung ano ang kahulugan sa kanya ng mga papel na iyon. Nang magkaisip ako, script pala ang mga iyon ng ginagawa niyang mga dula sa simbahan--mula sa mga lengguwaheng Kapampangan at Kastila ang pagkakasulat.
    Ang kanyang barberya sa ibaba ang isa pang lugar na ipinagbabawal niya sa amin. Ayaw na ayaw niyang makikitang naglalaro kami roong magpipinsan. Tuwang-tuwa kasi kami noon sa kanyang malambot at de-ikot na  upuang inuupuan ng kanyang mga suki sa barberya. Ang pinakadahilan niya kung bakit ayaw niya kaming gumagawi roon ay ang kanyang maseselang gamit tulad ng kanyang matalim na labaha at gunting. At dahil masunurin kaming mga apo, hindi talaga kami lumalapit sa kanyang barberya.
     Natatandaan ko pa ang eksena sa ilog. Ang bilis ng dating ni Apong Manurud dala ang kanyang makapal na sinturon. Paglapit na paglapit sa amin ng kapatid ko ay galit na galit na pinagsisinturon kami. Takbo kami ni Fer na umuwi ng malaking bahay. Lihim namang tawa nang tawa ang aking mga pinsang enjoy na enjoy pa ring naiwang naliligo sa ilog. Noon kasi, kami lang ng kapatid kong si Fer ang bawal maligo sa ilog. Hindi nga kasi kami marunong lumangoy dahil bago kami tumira sa poder nina Apo ay galing kami sa Maynila--kumbaga, ano raw ang alam namin sa paglangoy? Ang aming mga pininsan kasi ay sa tabi na nga ng ilog nagsilaki kung kaya't bihasa na sa pagtawid-tawid sa ilog maging sa pinakakabilang pampang nito.
     Sa harap ng pagkain ay marami ring bawal. Bawal ang magsalita kahit pa kaunting imik. Maging ang mga mata naming magpipinsan ay hindi maaaring mag-usap habang kumakain. Maging ang pagkalatog ng mga pinggan at kutsara ay talaga namang pinakaiiwasan din namin.Siyempre, hindi namin pupuwedeng basta na lang iwanan ang aming mga pinagkainan.
     Talaga namang noon ay parang nakatuntong kami sa mga numero sa poder ni Apong Manurud.
     Pero ang pagkamatay niya ay hindi nangahulugan ng aming kalayaan.
     Kung bakit ako ngayo'y  isang makabuluhang indibidwal, iyon ay dahil sa aking Apong Manurud.
    
    
    

Sa pusod ng Sta. Catalina

NAGISNAN kong ang aking kamusmusan ay nag-ugat sa Sta. Catalina, San Luis, Pampanga. Doon ko naranasan ang masarap na buhay-probinsiya. Sariwang hangin, sariwang mga gulay, prutas at isda, masarap na kaning mula pa sa bagong gapas na palay ng aking lolo't lola--sina "Apong Manurud" at "Apong Magtinda."
     Tinawag naming "Apong Manurud" ang aming lolo dahil ang trabaho niya ay ang panggugupit ng buhok na sa Kapampangan ay may kahulugang "manurud." Ang lola naman naming babae ay "Apong Magtinda" dahil nagtitinda siya ng mga gulay at prutas na inilalako tuwing umaga sa Sta. Catalina.
     Malawak ang lupain ng aking mga Apo sa Sta. Catalina. Ang kabuuan ng bakuran ay napalilibutan ng iba't ibang mga puno ng mga prutas tulad ng guyabano, santol, mangga, bayabas at marami pang iba. Ang harapan ng bahay na kahoy ay natataniman ng isang puno ng bougainvillea samantalang sa likod-bahay naman ay mga gulay ang nakatanim. Sa tabi ng tumana ay ang isang poso na pinagkukunan namin ng tubig sa araw-araw.
     Malamig at maaliwalas ang bahay ng aking mga Apo. Mayroon itong batalan na may isang malaking tapayan. Doon kami nagluluto. Naroon kasi ang kalang-de-kahoy na ginagamit namin sa pagsasaing, sa pagluluto ng mga huling isda mula sa ilog na malapit sa amin. Nag-iihaw kami roon ng malalaking kuhol na nakukuha namin sa bukid. Doon din namin binabalatan ang mga palakang madalas naming i-arrozcaldo at iprito o iadobo naman ang mga dagang-bukid na nahuli ng aking mga pinsan habang naglalaro sa bukid.
     Yari sa magandang kahoy ang loob ng bahay ng aking mga Apo. Tuyong dahon ng saging ang ginagamit noon ng aking lola bilang panlinis sa sahig. Pinapagpag niya ang sahig at lumilinis naman ito. Nakahilera sa sala ng bahay ang mga upuang yari rin sa kahoy at barnisado. Maluluwag ang mga bintana ng bahay. Kapag binuksan mo ang mga iyo'y papasok ang malaking liwanag na nagmumula sa labas at ang malinis na hanging sumasalpok sa amin habang nagkakasayahan kami sa paglalaro ng sungka. 
     Sa isang bahagi ng bahay ay ang isang pintong naghahantong sa amin papunta sa maliit na balkonahe. May lagusan doon palabas ng bahay patungo sa pinakaharap ng bakuran. Mga sako ng bagong aning palay ang laman ng aming balkonahe. Doon iniimbak nina Apo ang palay na ipinakokono nila kapag wala nang nakaimbak na bigas sa aming palabigasan.
     Sa may gawing likod ng malawak na bakuran ay ang tila bungkos ng matatayog na kawayang nagsisilbing tila gate papasok sa tinagurian naming "pulo" kung saan nakatira ang aking Nanang Poleng at Tatang Kinong. Napalilibutan din ng mga tanim na gulay at prutas ang pulo. Sa pinakadulo niyon ay nakatayo ang bahay-kubo nina Nanang Poleng. Yari sa kawayang dilaw ang kanilang kubo. Masarap mahiga sa kanilang kawayang sahig.
      Ang likod ng kanilang bahay-kubo ay ang bukid na madalas naming gawing takbuhan. Nanghuhuli kami roon ng mga tutubi. Namimitas ng mga ligaw na bulaklak. Noon ay may mga uri ng bulaklak na nakasanayan naming sipsipin dahil matatamis ang katas ng dulo ng mga ito. Nang-aasar din kami ng mga damong makahiya na kapag hinipo namin ay tila nga nahihiyang nagtatago ang mga dahon. Natatandaan ko pa ang mga bunga ng isang damo na kung tawagin namin ay "bisugo." Hugis-sigay ang mga iyon, binubutas namin ng karayom saka namin ginagawang kuwintas o pulseras.
      Masayang-masaya kami noon na tumatakbo sa malawak na bukid habang nagsisisigaw.

UGAT (Unang Aklat)

Marami na rin akong kinaaliwang mga blog at nabasa sa minsan-minsang pagsilip-silip ko sa nasabing website. Nakita kong isa itong magandang venue upang ibahagi ang masasayang punto ng buhay lalo na ang nagdaang panahon ng aking kabataan at iba pang mga pangyayaring naging mahalaga sa akin na sa paglipas man ng mga araw ay nakaukit pa rin sa aking puso't isipan--mga alaalang masarap balik-balikan kasabay ang pag-asam na sana'y hindi na lumakad ang panahon at nanatili na lamang ang mga galak ng kahapon.
     Ang katotohanang ang buhay ay binubuo rin ng mga bangka ng kalungkutan, mas ninais kong sariwain sa ginawa kong blog ang walang kasukat at masasayang mga karanasang nakasama ko ang mga taong naging mahalagang bahagi rin ng aking kamusmusan at pag-unlad na indibidwal--noon at ngayon.
     Pahintulutan ninyo akong ibahagi sa inyo ang mga tuwa at galak ng aking buhay kasama ang aking mga naging kaibigan...