Huwebes, Marso 31, 2011

Sa pusod ng Sta. Catalina

NAGISNAN kong ang aking kamusmusan ay nag-ugat sa Sta. Catalina, San Luis, Pampanga. Doon ko naranasan ang masarap na buhay-probinsiya. Sariwang hangin, sariwang mga gulay, prutas at isda, masarap na kaning mula pa sa bagong gapas na palay ng aking lolo't lola--sina "Apong Manurud" at "Apong Magtinda."
     Tinawag naming "Apong Manurud" ang aming lolo dahil ang trabaho niya ay ang panggugupit ng buhok na sa Kapampangan ay may kahulugang "manurud." Ang lola naman naming babae ay "Apong Magtinda" dahil nagtitinda siya ng mga gulay at prutas na inilalako tuwing umaga sa Sta. Catalina.
     Malawak ang lupain ng aking mga Apo sa Sta. Catalina. Ang kabuuan ng bakuran ay napalilibutan ng iba't ibang mga puno ng mga prutas tulad ng guyabano, santol, mangga, bayabas at marami pang iba. Ang harapan ng bahay na kahoy ay natataniman ng isang puno ng bougainvillea samantalang sa likod-bahay naman ay mga gulay ang nakatanim. Sa tabi ng tumana ay ang isang poso na pinagkukunan namin ng tubig sa araw-araw.
     Malamig at maaliwalas ang bahay ng aking mga Apo. Mayroon itong batalan na may isang malaking tapayan. Doon kami nagluluto. Naroon kasi ang kalang-de-kahoy na ginagamit namin sa pagsasaing, sa pagluluto ng mga huling isda mula sa ilog na malapit sa amin. Nag-iihaw kami roon ng malalaking kuhol na nakukuha namin sa bukid. Doon din namin binabalatan ang mga palakang madalas naming i-arrozcaldo at iprito o iadobo naman ang mga dagang-bukid na nahuli ng aking mga pinsan habang naglalaro sa bukid.
     Yari sa magandang kahoy ang loob ng bahay ng aking mga Apo. Tuyong dahon ng saging ang ginagamit noon ng aking lola bilang panlinis sa sahig. Pinapagpag niya ang sahig at lumilinis naman ito. Nakahilera sa sala ng bahay ang mga upuang yari rin sa kahoy at barnisado. Maluluwag ang mga bintana ng bahay. Kapag binuksan mo ang mga iyo'y papasok ang malaking liwanag na nagmumula sa labas at ang malinis na hanging sumasalpok sa amin habang nagkakasayahan kami sa paglalaro ng sungka. 
     Sa isang bahagi ng bahay ay ang isang pintong naghahantong sa amin papunta sa maliit na balkonahe. May lagusan doon palabas ng bahay patungo sa pinakaharap ng bakuran. Mga sako ng bagong aning palay ang laman ng aming balkonahe. Doon iniimbak nina Apo ang palay na ipinakokono nila kapag wala nang nakaimbak na bigas sa aming palabigasan.
     Sa may gawing likod ng malawak na bakuran ay ang tila bungkos ng matatayog na kawayang nagsisilbing tila gate papasok sa tinagurian naming "pulo" kung saan nakatira ang aking Nanang Poleng at Tatang Kinong. Napalilibutan din ng mga tanim na gulay at prutas ang pulo. Sa pinakadulo niyon ay nakatayo ang bahay-kubo nina Nanang Poleng. Yari sa kawayang dilaw ang kanilang kubo. Masarap mahiga sa kanilang kawayang sahig.
      Ang likod ng kanilang bahay-kubo ay ang bukid na madalas naming gawing takbuhan. Nanghuhuli kami roon ng mga tutubi. Namimitas ng mga ligaw na bulaklak. Noon ay may mga uri ng bulaklak na nakasanayan naming sipsipin dahil matatamis ang katas ng dulo ng mga ito. Nang-aasar din kami ng mga damong makahiya na kapag hinipo namin ay tila nga nahihiyang nagtatago ang mga dahon. Natatandaan ko pa ang mga bunga ng isang damo na kung tawagin namin ay "bisugo." Hugis-sigay ang mga iyon, binubutas namin ng karayom saka namin ginagawang kuwintas o pulseras.
      Masayang-masaya kami noon na tumatakbo sa malawak na bukid habang nagsisisigaw.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento